UMAKYAT na sa 12 katao ang inulat na nasawi sa pananalasa ng Super Typhoon Pepito, ang kabuntot na bagyo ng typhoons Marce Nika at Ofel, na nanalasa sa Pilipinas sa loob lamang ng mahigit dalawang linggo, ayon sa inilabas na report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.
May 16 na reported injured at may apat namang iniulat na nawawala sa kasagsagan ng buhos ng ulan dala ng typhoon Pepito.
Mula sa 12 reported dead , lima na ang kumpirmado habang patuloy na bina-validate ng Office of Civil Defense ang nalalabing pitong katao.
Ayon sa NDRRMC, nasa 939,936 families o 3,507,920 katao ang bilang ng mga taong naapektuhan ng nagdaang hilera ng bagyo, kung saan kinailangang maagang ilikas ang may 1,354, 802 katao sa ligtas na lugar.
Nasa 51,921 naman ang bilang ng bahay na nawasak habang nasa 276 imprastraktura din ang nasira nang dahil sa bagyo.
Umabot naman sa P1,941,120 ang halaga ng damage sa livestock, poultry at fisheries habang umakyat sa mahigit P29 bilyon ang naging danyos sa agrikultura.














