PINANGAMBAHANG lalagpas pa sa P21-million na halaga ang tinamong pinsala ng sektor ng agrikultura bunsod ng pananalasa ng Tropical Storm Aghon sa Pilipinas.
Sa inilabas na situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa kabuuang P21,651,548 ang halaga ng iniwang pinsala sa sektor ng agrikultura ng naturang bagyo.
Base sa monitoring report ng NDRRMC, nasa kabuuang 369 na mga magsasaka at mangingisda ang itinatayang lubha rin na naapektuhan ng nasabing sama ng panahon matapos masira rin ang aabot sa 292.9 hectares ng mga pananim, gayundin ang mga napinsalang livestock, poultry at fisheries nai tinatayang may katumbas na halaga na aabot sa P448,300.
Tuloy-tuloy naman umano ang ipinaaabot na tulong ng pamahalaan para sa mga indibidwal na naapektuhan ng nagdaang kalamidad, partikular sa mga nasa industriya ng agrikultura upang matulungang muling makabawi ang mga ito sa kanilang mga nawasak na kabuhayan nang dahil sa Bagyong Aghon
Kaugnay nito, umaabot na sa P6.7 million ang halaga ng tulong ang ipinaabot sa mga apektado ng bagyo partikular na sa mga residente ng CALABARZON, MIMAROPA, Region 5 at Region 7.
Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, kabilang sa mga tulong na ipinagkaloob ay accommodation at transportation, family food packs, food assistance, hot meals, packed meals hygiene kits, malong at iba pa.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng NDRRMC sa mga miyembro ng kanilang response clusters para sa pagtukoy sa iba pang pangangailangan ng mga biktima ng bagyo at para sa pinakahuling halaga ng danyos.
Sa pagtaya ng NDRRMC, nasa 16,404 na pamilya o katumbas ng mahigit sa 51,000 mga indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa CALABARZON, MIMAROPA, Regions 3, 5, 7, 8 at NCR.
Nanatili naman sa anim ang kumpirmadong nasawi, isa ang sugatan habang pito naman ang nasaktan.














