HAWAK na ngayon ng Bureau of Custom ang itinatayang nasa P21 million halaga ng puslit na sigarilyo matapos itong masabat at hulihin ng mga tauhan ng Philippine Navy ang mga sakay ng isang motorized banca na may tatak na “Viking” na may lulang 422 master cases of smuggled cigarettes sa Balut Island sa lalawigan ng Davao.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci, Jr., sinabat ng mga tauhan ng BRP Dioscoro Papa (PC 381), isa sa mga patrol craft ng Philippine Navy na naka-deploy sa Naval Forces Eastern Mindanao ang bangka na gamit sa smuglling operation.
Ayon kay Commodore Alfonspin P Tumanda Commander, Naval Forces Eastern Mindanao, ang BRP Dioscoro PAPA (PC 381) na nasa ilalim ng operational control ng Naval Task Force 71 ay kasalukuyang nagsasagawa ng maritime patrol operation nang masabat ang isang kahina-hinalang Jungkong Type motorized banca sa dagat sakop ng Balut Island.
Pitong Pilipinong tripulante ang inaresto at kinumpiska ang may 422 master cases ng smuggled cigarettes na sinasabing ihahatid sana sa Digos City sa Davao del sur, ayon pa kay Comm. Tumanda..
Agad na ibinigay ng Philippine Navy sa kustodiya ng Enforcement Security Service Customs Police Division (ESS-CPD) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Bureau of Customs, Sub-Port of General Santos City ang na-intercept na banca at pitong crew nito para sa paghahanda ng kaukulang kaso.














