ANG P20 milyon na reward ni gymnast Carlos Yulo para sa paghakot ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics ay popondohan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Base sa Republic Act (RA) 10699 o ang National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act, nagbibigay ng mga benepisyo at insentibo sa mga pambansang atleta na nanalo sa mga pangunahing internasyonal na kompetisyon.
Nakasaad na P10 milyon ang mapupunta sa gold medalist sa Olympics, P5 milyon para sa silver medalist at P2 milyon para sa bronze medalist.
Nakasaad sa batas na ang mga insentibo ay magmumula sa PAGCOR, na sisingilin nito sa National Sports Development Fund nito.
Ang coach at trainer ni Yulo na si Allen Aldrin Castañeda ay tatanggap naman ng P5 milyon kada gintong medalya o may kabuuang P10 milyon.
Kinumpirma ni PAGCOR chairperson Alejandro Tengco ang mga insentibo sa budget deliberations sa House of Representatives noong nakaraang Martes.
“Ayon sa itinatadhana ng batas, para sa mga gold medalists, ang PAGCOR ay mandato na magbigay ng isang atleta na nanalo ng gintong PHP10 milyon,” ani Tengco.
Ang mga babaeng boksingero na sina Aira Villegas at Nesthy Petecio ay kapwa mag-uuwi ng tig-sang bronze medal.
Samantala, muntik makamit ni Bianca Pagdanganan ang medalya sa 2024 Paris Olympic women’s golf na ginanap sa sa Le Golf National noong Sabado.
Nakuha ni Pagdanganan ang four-under-par 68 na naglagay sa kanya sa medal contention sa six-under 282.
Isang birdie mula kay Janet Lin ng China sa hole No. 18 ang pumutol sa pag-asa ni Pagdanganan para sa bronze medal playoff.
Si Lydia Ko ng New Zealand ay lumabas na kampeon matapos magtapos na may 71 para sa 10-under 278, nakumpleto ang kanyang koleksyon kasunod ng pilak noong 2016 Rio de Janeiro at tanso noong 2021 Tokyo.
Si Esther Henseleit ng Germany, na nagkamit ng bronze, a nagsara sa isang six-under 66 para sa 280.
Napantayan naman ni Dottie Ardina ang 68 ni Pagdanganan kaya tumabla sa ika-13 na may apat na iba pa sa three-under 285.
Ang naiiyak na si Pagdanganan, na ika-43 sa Tokyo Olympics, ay nagsabing: “Ibinigay ko ang aking lahat doon.”