IPINAKIKITANG hindi takot sa bantang kulong ng Department of Agriculture ang mga sangkot sa pagpupuslit ng ‘frozen meat products’ nang isa na namang ‘cold storage facility’ sa Bulacan ang nadiskubreng nag-iimbak ng smuggled frozen agricultural products.
Ayon sa ulat, walong tao ang inaresto habang nasa 14,000 kilos ng smuggled frozen agricultural products na nagkakahalaga ng P2.8 milyon ang nasamsam sa joint operation ng DA at Bureau of Custom sa Meycauayan City, Bulacan.
Nadiskubre ito sa isinagawang follow-up joint inspection ng DA, BOC, National Meat Inspection Service (NMIS) at iba pang law enforcement agencies sa isang warehouse na umano’y nag-o-operate nang walang business permit.
Dalawang makeshift cold storage containers ang nakita na naglalaman ng iba’t- ibang frozen meat at dalawang sasakyang may expired na meat products ang natuklasan din sa nasabing bodega.
Walong katao ang mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10611 o Food Safety Act of 2013.
Una nang nakakumpiska ng abot sa 175,000 kilos na imported meat products ang DA sa Meycauayan noong Hulyo 11 na nagkakahalaga ng P35-M.
Dahilan ito para tutukan ng mga awtoridad ang mga hinihinalang improvised storage facilities na pinagtataguan ng frozen meat products.
Babala ng Department of Agriculture (DA), maaaring makulong ng hanggang 12 taon ang mga importer, distributors at mga reseller ng puslit na frozen meat o botcha base sa nakasaad sa Meat Inspection Code of the Philippines.
Nagsasagawa na rin ang mga awtoridad ng imbentaryo sa mga nakumpiskang karne at iniimbestigahan kung saan ibinibenta ang mga ni-repack nito.