ITINATAYANG mahigit sa P2.1 billion halaga ng suspected shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa Manila International Container Port sa Tondo, Manila kamakalawa.
Sa inisyal na ulat, nasa 1,109 piraso ng plastic packs na naglalaman ng white crystalline substance na pinaniniwalaang methamphetamine hydrochloride o shabu ang dumating sa Container Freight Station 3 ng nasabing container port sa Tondo, base sa paunang ulat na ibinahagi ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group.
Ang mga droga ay sadyang isinilid sa mga kahon na binalot ng carbon paper at aluminum foil upang hindi umano masilip sa x-ray machine.
Kasalukuyang inaalam ngayon ng PNP-PDEG at maging ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang point of origin ng nasabing kontrabando at kung sino ang mga sender at consignee ng iligal na shipment.
Nakatakdang isumite sa PDEA ang mga drug evidence kaugnay sa nasamsam na mahigit 275 kilo ng shabu .
Kinumpirma ni Col Jean Fajardo,hepe ng PNP-Public Information Office, na ang iligal na droga ay nadiskubre sa loob ng isang container van matapos na sumailalim ito sa x-ray at actual or physical examination matapos na ipagbigay-alam sa Bureau of Customs.
Sa inisyal na ulat ay hinihinalang nagmula ang bulto ng shabu sa Mexico, habang inaalam pa kung may kaugnayan ito sa nadiskubreng 560 kilo ng shabu sa Pampanga na itinatayang nagkakahalaga ng P3.6 billion, na idineklara bilang mga agricultural products.
“The initial report that we received was that there were 200 to 275 kilos of illegal drugs. But there could be more as the inventory is still ongoing, (yesterday)” ayon kay Fajardo.
Ang operasyon ay ginawa ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) matapos na makatanggap ng intelligence report kaugnay sa posibleng pagdating ng shipment ng shabu.
Ang impormasyon ay natanggap noong nakaraang linggo at kaagad na ipinagbigay-alam sa Bureau of Customs (BOC).














