NASA P197.2 million halaga ng shabu ang nasamsam sa isinagawang joint anti- narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), katuwang ang Philippine National Police, sa Parañaque City nitong nakalipas na linggo.
Sa ulat na ibinahagi ni PDEA Director General Usec Isagani Nerez, isang buy-bust operation ang ikinasa ng kanyang mga tauhan sa isang exclusive subdivision dakong alas-5 kamakalawa ng hapon na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang indibidwal na kinilalang sina alias “Jalil,” 44,at alias “Gracia,” 36, kapwa residente ng Cebu City..
Sinamantala umano ng mga suspek ang mahigpit na security protocols ng subdivision upang makaiwas sa surveillance at intelligence operations ng mga awtoridad.
Dito ay nadiskubre ng mga pulis ang 29 aluminum packets na may bigat na itinatayang 29 kilo at may label na “freeze-dried Durian” sa Chinese characters.
Naglalaman ang mga ito ng white crystalline substances na hinihinalang shabu na aabot sa halagang P197,200,000.
Kasama sa mga non-drug items na nasamsam ng mga operatiba ng PDEA RO NCR – RSET 1, kasama ang PDEA SDO, PNP Drug Enforcement Group SOU NCR, PNP SPD Paranaque City Police Station 3, PNP SPD Parañaque Substation 5, at PNP SPD Parañaque ang ilang mobile phones, buy-bust money at pink paper bag na ginamit sa transaksyon.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.PDEA-RONCR PR 2025-020.VRUIZ














