TULOY ang operasyon ng mga smuggler ng gulay sa bansa makaraang makasabat ang Bureau of Customs (BOC) na panibagong P18-milyong halaga ng ipinuslit na agricultural products sa Mindanao Container Terminal Port sa Misamis Oriental.
Sa ulat ng BOC-Port of Cagayan de Oro, nasabat nila ang nasa anim na container vans dahil sa ‘derogatory report’ ukol dito na kanilang isinailalim sa 100% physical examination.
Nang buksan ang mga container vans, tumambad sa mga inspektor ang laman na pula at puting sibuyas na nagkakahalaga ng P18 milyon sa halip na mga ‘soft tortilla wraps’ na deklaradong laman nito.
Nanggaling ang shipment sa China at dumating sa bansa nitong Hulyo 23 na naka-consign sa Primex Export and Import Producer.
Bukod dito, tatlong container vans rin ang kinumpiska noong Hulyo 22 na naglalaan ng mga sibuyas sa halip na mga peras na idineklara ng consignee na Frankie Trading Enterprises.
Sa kabila naman ng mga suhestiyon na i-donate na lamang ang mga sibuyas, iginiit ni Manuel Barradas, supervising agriculturist ng Bureau of Plant Industry (BPI) na kailang sirain ang mga ito dahil sa hindi batid kung may dala itong mga peste o kung ligtas na kainin ng tao.
Naglabas na ang BOC ng warrant of seizure and detention sa anturang mga shipments sa ilalim ng RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act. (Phiip Reyes)