ITINATAYANG nasa 3,468 gramo ng cocaine na may street value na aabot sa P18,380,4000 ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Bureau of Customs-Clark mula sa isang 48- taong gulang na lalaki mula sa Surinamse South America, matapos lumapag sa Clark Airport noong Martes ng gabi (Mayo 23).
Sa isinumiteng report ni PDEA Clark Chief kay Director General Moro Vergilio Lazo, kinilala ang naarestong suspek na si Renaldo Wilfred Oliviera, na dumating sa Clark sakay ng United Arab Emirates Flight EK 338 bandang 6:31 p.m. Siya ay naaresto alas-7:44 ng gabi matapos tangkaing ipuslit ang mga ilegal na droga.
Sinabi ng mga awtoridad ng PDEA na ang mga nakumpiskang iligal na droga ay nasa loob ng bagahe ni Oliveira at nakatago sa kanyang jacket.
Nasa 30 vacuum-sealed transparent packs na nakabalot sa mesh cloth at blue carbon paper na naglalaman ng cocaine ang nakuha mula sa pag-aari ni Oliveira.
Ang matagumpay na interdiction operation ay magkatuwang na isinagawa ng mga operatiba sa pangunguna ng PDEA Clark Inter- Agency Drug Interdiction Unit, PDEA Region III, PDEA Region 7, PDEA ICFAS, Bureau of Customs Port of Clark, Bureau of Immigration, NBI Pampanga District Office at PNP Aviation Security Unit 3.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nadakip na suspek.














