P170,000 SHABU NASABAT SA 4 NA SUSPEK

NAGKAKAHALAGA ng P170,000 ang hinihinalang shabu na nasabat ng mga tauhan ng Parañaque City Police sa apat na hinihinalang tulak ng iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation kamakalawa ng hapon sa naturang siyudad.

Kinilala ang mga nadakip na sina Sunsodin Abuin Nulotan, alias Kiram, 33; Alvin Sakatani Dalamban, 25; Rohanin Ungad Kali, 22; at Fatima Almira Delos Santos Abdulmari, 26, pawang mga residente ng Parañaque City.


Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:20 ng hapon nang ikasa ng mga pulis ang buy-bust operation sa Vietnam Street, Ninoy Aquino Ave., Brgy. San Dionisio. Isang operatiba ang nagpanggap na buyer at matagumpay na nakabili ng iligal na droga sa mga suspek.

Nang magbigay ng hudyat ang buyer, dito na kinubkob ng mga pulis ang lugar at ipinatupad ang pag-aresto sa apat. Nasabat sa kanila ang 16 na plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 25 gramo ng shabu at narekober ang P1,000 bill na marked money na gagamiting ebidensya sa korte.

Pansamantalang naka-detine ngayon sa Parañaque City Police Station Custodial Facility ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Prosecutor’s Office. (Anthony Quindoy)


Tags: Parañaque City Police

You May Also Like

Latest News