Latest News

P17.8 B UTANG, PINAMIGAY NA LANG SANA SA MANILA SENIORS, PWDS, SOLO PARENTS AT STUDENTS

By: Jerry S. Tan

MARAMI ang nagulantang nang sagutin ni Mayor Honey Lacuna sa “MACHRA Balitaan” news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association kung hanggang kailan ba mababayaran ng Maynila ang P17.8 bilyong utang na minana niya sa nakalipas na administrasyon.

Ang sagot kasi nito, batay sa pagtataya ng mga eksperto, ay taong 2044 pa ito mababayaran nang husto na ang ibig sabihin, 20 taon pa itong bubunuin ng lungsod ng Maynila.

Sa totoo lang, bagama’t may mga makikinabang naman sa mga istraktura gaya ng mga estudyante at sa mga pabahay, ilan lamang ito kumpara sa kabuuang populasyon ng lungsod.


Sabay-sabay na nagmamahalang proyekto ang inilunsad noong nakalipas na administrasyon na tila hindi alintana kung paano babayaran ng susunod na alkalde ang napakalaking utang na iginugol para sa mga nasabing proyekto.

Ayaw man natin isipin, pero tila ang sunod-sunod na proyekto ay may kinalaman sa pagtakbong presidente ng dating alkalde.

May mga paaralan pa na sobra-sobra ang dami ng classroom kumpara sa bilang ng mga aktuwal na estudyante doon.

‘Yan ang malaking kaibahan ni Mayor Honey Lacuna. Iniisip nitong maige kung paano gagastusin nang maayos at masinop ang pera ng lungsod. Hindi rin pansariling kasikatan ang kanyang isinasaalang-alang kundi ang kapakanan ng mga mamamayan ng Maynila na dapat makinabang.


Ang Maynila ay mayroong 203,000 senior citizens; 50,000 persons with disability (PWD) at solo parents at 20,000 na student beneficiaries mula sa Grade 12, Universidad de Manila, at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Lahat sila ay tumatanggap ng buwanang ayuda o cash aid mula sa lungsod sa ilalim ng social amelioration program (SAP) na ipinasa ng konseho ng Maynila noong si Mayor Honey ay bise-alkalde pa lamang.

“Kung wala sana tayong obligasyong ganyang kalaki, mas marami sana tayong tulong na maibibigay sa mga Manileño, matataasan natin ang pambili ng gamot ng mga seniors man lang,” ‘Yan ang buong panghihinayang na nasasabi ngayon ni Lacuna dahil talagang nahihirapan ang lungsod sa laki ng utang na iniwan sa kanya.

Hindi naman pupuwedeng talikuran ni Mayor Honey ang mga utang na ‘yan dahil obligasyon na ng lungsod ‘yan. Kaya ‘yung mga nagsasabing itinuloy lang naman ni Mayor Honey ang mga ginawa ng dating mayor, mahirap kayang trabaho ang magtuloy ng mga proyektong lumulumpo sa kaban ng Maynila.

Matagal na panahong tiniis ni Mayor Honey ang lahat. May mga obligasyon ang lungsod na nade-delay noon dahil nga sa laki ng pagkakautang sa dalawang bangko pero ni minsan ay di ito naringgan na manisi sa ex-mayor. Pero dumating na ang oras na dapat malaman ng mga taga-Maynila ang katotohanan. Inuulit ko, katotohanan. Hindi kathang-isip o paninirang kuwento kundi katotohanan.


Sa totoo lang, di hamak nga namang marami ang mas makikinabang sa P17.8 bilyon kumpara sa mga mag-aaral at pa-housing. ‘Yung mga eskwelahan, pupuwede rin naman basta’t hindi sobra-sobra sa kailangan lamang. Dapat ay iniayon sa bilang ng mag-aaral para hindi tapon ang pera.

Bakit ba kailangang gawing malaki ang isang proyekto? Di kaya dahil pag malaki ang proyekto mas malaki ang budget? At pag malaki ang budget mas malaki ang…. (kayo na bahala magdugtong).

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: ,

You May Also Like

Most Read