P150 MILLION SHABU, 5 DRUG SUSPEK, HULI NG PDEA AT BOC

NASA P150-milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa isinagawang anti- illegal operation ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs, Manila International Container Port-Intelligence and Investigation Service (BOC MICP-CIIS), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City nitong nakalipas na linggo.

Ayon kay PDEA Assistant Secretary at officer-in-charge Gregorio Pimentel, limang drug personality na hinihinalang kasapi ng foreign organized drug group ang nadakip kabilang ang dalawang banyaga.


Una rito, isang case buildup ang ikinasa ng PDEA katuwang ang BOC kasunod ng natanggap nilang intelligence information na may mga foreign nationals na umano’y sangkot sa pagpupuslit ng shabu at cocaine sa Australia.

Bago ang operasyon, inihayag ni Customs Deputy Commissioner retired Maj. Gen. Juvymax Uy na ang BOC at PDEA ay bumuo ng Joint-Operation laban sa illicit drugs at suspected individuals na napaulat na sangkot sa pagpupuslit ng shabu at cocaine sa Australia noon pang Hunyo 16, 2022.

Pahayag naman ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, kaagad silang nag-apply ng dalawang search warrants mula sa sala ni Executive Judge Myra B. Quiambao ng Muntinlupa Regional Trial Court at target nito ang dalawang bahay sa isang posh subdivision sa Ayala Alabang .


Hinala ng mga awtoridad na isa sa dalawang bahay na kanilang target ay nagsisilbing modified drug laboratory .

Sa bisa ng search warrant sa 304 Mabolo Street, lumilitaw na sa isang modified drug laboratory ay nadakip ang dalawang suspek na kinilalang sina Aurélien Cythere, 41, French national, na residente rin ng naturang lugar, at Mark Anthony Sayarot, 42, negosyante, at residente naman ng Cabbage St., Valley 5, Brgy. Ugong, Pasig City.


Nakuha sa loob ng bahay ang humigit-kumulang sa 20 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136 milyon, iba’t- ibang Controlled Precursors and Essential Chemicals (CPECs) at laboratory equipment, ilang ID cards, tatlong mobile phones at iba’t- ibang uri ng financial documents.

Samantala, magkasabay na sinalakay ang No. 523 Madrigal Avenue, Ayala-Alabang Village, at dito aresto ang tatlo pang suspek na sina Ariana Golesorkhi, 33, Canadian national, negosyante; Audemar Ponsica, 31, driver; at Welmar Laban, 37, helper.


Nakumpiska mula sa kanila ang dalawang self-sealing plastic bag na naglalaman ng humigit kumulang sa P13.6 milyon o dalawang kilo ng shabu , UV drying machine, chest freezer, hot and cold pipes, water pump tube, assorted ID cards at credit cards, assorted na financial documents, passport at ilang units ng mobile phones.

“This group used a modified setup for manufacturing shabu. The shabu is mixed in liquid form, then washed with acetone. It’s practically an odorless process, which is probably why they were confident in doing it here in a residential area,” ayon kay Pimentel.

“These suspects are linked to Mexican, Australian and Canadian drug trafficking groups. We are currently investigating these links and several other drug personalities,” dagdag pa niya.



Patuloy naman umano ang pakikipag-ugnayan nina Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Jeoffrey Tacio at PDEA Director Adrian Alvarino matapos ang matagumpay na anti-narcotics operation.

Samantala , kasabay ng pangangalap pa ng karagdagang impormasyon, ang mga nakumpiskang ebidensiya ay itinurn-over naman na sa PDEA Laboratory Service para sa qualitative at quantitative examination at para sa paghahain ng kaukulang mga kaso laban sa limang nadakip na drug personalities. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)

Tags: Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP)

You May Also Like