TULOY pa rin ang “agricultural product smuggling” sa bansa makaraang nagkakahalaga ng P15 milyong gulay ang nasabat ng mga awtoridad sa loob ng Mindanao International Container Terminal Services Inc. (MICTSI) yard sa Misamis Oriental nitong nakaraang Huwebes.
Sa ulat ng Bureau of Customs (BOC), dumating ang shipment mula sa China na naka-consign sa Primex Export and Import Producer nitong Hulyo 2 at nakadeklara na “Autolysed Yeast in Powder Form”.
Nag-isyu ng Pre-Lodgement Control Orders (PLCOs) si District Collector Atty. Elvira Cruz sa shipment base sa kahilingan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) makaraang makatanggap ng impormasyon buhat sa Intelligence Division-Intelligence Group.
Nagsagawa ng physical examination ang BOC at nadiskubre na naglalaman ang shipment ng mga pula at puting sibuyas, at carrots. Tinatayang nagkakahalaga ang mga smuggled na gulay ng P15,000.
Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang BOC para makilala at matunton ang mga nasa likod ng naturang smuggling para masampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act for misdeclaration of goods. (Carl Angelo)