Humigit-kumulang sa P13.6 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa ikinasang buy-bust operation sa Sampaloc, Maynila nitong Martes, na nagresulta rin sa pagkaaresto sa dalawang drug suspects.
Ayon kay MPD Director PBGEN Arnold Thomas Ibay ang mga naarestong suspek ay sina Anthony Reyes, alyas “Saudi”, 42, ng Sampaloc, Manila; at Lovely Joy Gonzales, 38, ng Mandaluyong City.
Lumitaw sa ulat ng MPD na dakong alas-2:35 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Barbosa Police Station (PS-14), sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Wilfredeo Fabros Jr., sa loob ng Room 409 ng Cosmotel, na matatagpuan sa P. Campa St. sa Sampaloc.
Bago niyan ay nakatanggap umano ng tip ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t kaagad silang tinarget sa buy-bust.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang limang pirasong heat-sealed transparent sachets; dalawang bukas na berdeng foil heat-sealed transparent bags na naglalaman ng mga hinihinalang shabu na may tatak na “GUANYINWANG”, at buy-bust money.
Ayon kay Ibay, aabot sa humigit-kumulang sa dalawang kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P13,613,600 ang kanilang nakumpiska mula sa mga suspek, na kapwa nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.
“The operation demonstrates our dedication to dismantle drug networks and bring those responsible to justice. The seizure of 13.6 million worth of illegal drugs is a testament of the hard work and collaboration of the men and women of Manila Police District,” pahayag ni Ibay.
“Patuloy naming paiigtingin ang kampanya kontra kriminalidad, ilegal na droga at terorismo upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa Lungsod ng Maynila,” dagdag pa nito.














