NASA mahigit P20 million halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga tauhan ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency sa dalawang hiwalay na operation nitong nakalipas na linggo.
Narekober ng pulisya ang marijuana na nagkakahalaga ng P13.3 milyon kasunod ng isang aksidente sa Purok 4, Barangay Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Police Brig. Gen. Antonio P. Marallag, Jr., Cagayan Valley region police director, isang sasakyan ang bumangga sa isang concrete barrier bandang alas-3 ng hapon.
Napansin ng mga rumespondeng pulis na nag-aalis ng mga sako sa sasakyan ang mga sakay kaya nagsagawa sila ng inspeksyon at tumambad sa kanila ang may 111 tuyong marijuana bricks
Kinilala ang mga hinihinalang drug courier na sina Francis, 24; Monier, 21 at Yas, isang wanted na indibidwal.
Sa isinumiteng ulat kay PDEA Director General Moro Virgilio Lazo mula sa tanggapan ng PDEA Cordillera Autonomous Region na pinamumunuan ni PDEA-CAR Regional Office Director Derrick Carreon, nasa P9,000,000 halaga ng ipinagbabawal na damo ang kanilang sinunog na marijuana mula sa nadiskubreng taniman sa Brgy. Saclit, Sadanga, Mountain Province.
Nagsasagawa ng ‘marijuana eradication operation’ ang mga law enforcement officer mula sa Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera (PDEA-CAR) Mt. Province Provincial Office, Sadanga Municipal Police Station, PIU/PDEU at PMFC nang madiskubre nila ang nasa 45,000 na fully- grown marijuana plants sa naturang taniman na itinatayang may lawak na 1,800 square meters .
Walang marijuana cultivator na naaresto ang mga awtoridad mula sa nadiskubreng taniman ng marijuana.














