Paniqui, Tarlac – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pamamahagi ng 4,663 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) na nagbigay-luwag sa 3,500 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa mahigit P124 milyong hindi pa nababayarang utang sa mga lupang pansakahan na kanilang natanggap mula sa programa ng repormang agraryo.
Sa kabila ng masamang panahong dulot ng Bagyong Julian, ipinagpatuloy ni Pangulong Marcos, Jr. ang personal na pangunguna sa pamamahagi ng COCROMs sa Lalawigan ng Tarlac, na sumasaklaw sa 4,132.1256 ektarya ng lupang pansakahan. Ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan na maibsan ang mga pinansyal na pasanin ng mga ARBs.
“Hindi na po bale dahil isa sa pinakamalaki at makabuluhang karangalan bilang isang Pangulo ay ang buuin ang naging pangarap ng milyong-milyong Pilipino na magkaroon ng sariling lupa at mabura ang inyong mga utang. Kaya po kahit na may ulan, kahit na may bagyo, kami kahit na may sakit, dadating at dadating po kami,” pahayag ng Pangulo.
Kasama ng Pangulo si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado M. Estrella III na binigyang-diin ang malasakit at determinasyon ng Pangulo na abutin at paglingkuran ang mga tao, lalo na ang mga Pilipinong magsasaka.
“Dapat ang Presidente kung may sakit, doon na lang sa bahay, nagpapahinga. Ngunit kahit na bahing nang masama ang pakiramdam, tumuloy pa rin ho kami sa Palawan at sa Iloilo,” ani Estrella, na tinutukoy ang pamamahagi ng mga titulo ng DAR noong Setyembre 19, 2024.
Isa sa mga benepisyaryo, si Mario M. Velasco, 64, mula Bantog Caricutan, Tarlac, ay personal na tumanggap ng kanyang Certificate of Condonation with Release of Mortgage mula kay Pangulong Marcos, Jr., na nagkansela ng kanyang kabuuang utang na P241,968.86.
“Lubos po akong nagpapasalamat sa pamunuan ng DAR, kay Kalihim Conrado M. Estrella III at higit sa lahat kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa programang ito na nag-aalis ng aming mga utang sa lupang aming sinasaka,” wika ni Velasco.
Alinsunod ito sa Republic Act No. 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), na nilagdaan bilang batas ng Pangulo noong Hulyo 7, 2023, na nag-aatas ng pagkakansela ng lahat ng hindi pa nababayarang amortisasyon, interes,at surcharge ng mga ARBs mula sa mga lupang pansakahan na ipinagkaloob ng DAR.
“Ang pera na nakalaan sana rito ay maaari na ninyo pong gamitin sa pang-araw-araw at ibang pangangailangan sa inyong pagsasaka. Wala na po kayong alalahanin, maging ang mga susunod pang magmamana ng lupang inyong sinasaka. Ngayon po ay may panibagong pagkakataon na kayo upang mapaunlad ang inyong mga kabuhayan at ang inyong mga pamilya,” ani Pangulong Marcos, Jr.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11953, layunin ng DAR na makinabang ang higit sa 600,000 ARBs mula sa batas na ito, na sumasaklaw sa mahigit 1.7 milyong ektarya ng lupang pansakahan sa buong bansa.