UMAABOT SA P124 milyon ang halaga ng iligal na drogang nasamsam ng Philippine National Police -National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) sa pinaigting nitong anti-narcotics operation mula Enero 1 hanggang Pebrero 15 ngayong taon.
Ayon kay Brig. Gen. Anthony Aberin, sa kanilang datos ay na-recover ng NCRPO ang 15.26 kg ng shabu (P103.79-M), 146.77 kilo ng marijuana (P17.61M) at iba pang ipinagbabawal na illegal substance na lagpas P2-M.
Umaabot naman sa mahigit 1,867 drug suspects ang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.
Bukod dito, 1,996 na wanted na indibidwal ang naaresto sa pinaigting na manhunt at cyber-patrolling operations.
Samantala, 285 katao ang nahuli dahil sa paglabag sa election gun ban at 293 baril na ang nakumpiska.
Ipinagmamalaki ni Aberin na walang naitalang election-related na insidente, patunay ng epektibong seguridad ng NCRPO.
Ani Aberin, base sa kanilang datos ay bumaba rin ang focus crimes sa Metro Manila mula sa 852 insidente sa nasabing panahon noong 2024 patungo sa 667 incidents sa parehong panahon ngayong 2025.














