Muli na namang nakabungkal Linggo ng umaga ng hinihinalang shabu ang mga construction workers na nagta-trabaho sa isang dating restaurant sa NAIA Terminal 1. Ang parehong grupo ng mga tabahador ay una nang nakadiskubre din ng droga sa isang locker ng dating spa sa parehong area sa paliparan.
Naglalaman ng mahigit isang kilong hinihinalang shabu ang improvised pouch na natagpuan ng mga workers.
Ayon sa report ng NAIA-PDEA IADITG, habang ginigiba ng mga construction workers ang mga lumang gamit sa kitchen area sa nasabing dating restaurant nang tumambad sa kanila ang tatlong malalaking pouches na nakalublob sa dish traps na may lamang tubig.
Agad namang tumawag ng security guard ang construction workers at ipinaalam sa PNP-aviation ang natuklasan na nasa 1,685 grams na iligal na droga sa nasabing lugar at may street value na aabot sa P11,458,000.
Ayon sa NAIA-PDEA, ang abandonadong illegal drugs ay matagal nang nakababad sa tubig at aksidenteng natuklasan ng mga construction workers habang nagre-renovate sa nasabing lugar.
Hawak na ng NAIA-PDEA IADITG ang nasabing illegal drugs habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad.