BINALAAN kahapon ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag maniwala sa kumakalat na post sa social media na makatatanggap ng P100,000 insentibo ang pamilya ng sinuman na masasawi o magiging baldado dahil sa COVID-19 vaccines.
Tinawag ng DOH na “fake news” ang kumakalat na post at mensahe na umano’y mga hindi totoong pangako lamang buhat sa hindi mapagkakatiwalaang ‘source’.
Ayon sa mensahe, ang mauulila ng sinumang masasawi o ang sinuman na magiging ‘disabled’ dahil sa bakuna ay makatatanggap buhat sa pamahalaan ng P100,000 at isang sertipiko ng pagiging ‘Hero of the Pandemic’ na umanong pirmado ni Health Secretary Francisco Duque III.
Ngunit para makuha ito, kailangan umanong mapatunayan na ang biktima ay nasawi dahil sa bakuna, at nasa maayos na kalusugan bago maturukan ng bakuna na sertipikado ng isang doktor.
“The Department of Health (DOH) denies these false promises and offers. We urge everyone to always check official DOH sources before forwarding anything,” ayon sa DOH na hinikayat ang mga nakatanggap nito na huwag ikalat ang mensahe at burahin na lamang.
Iginiit rin ng ahensya na lahat ng bakuna na ibinibigay nila sa publiko laban sa COVID-19 ay ligtas at napatunayang epektibo.
“Instead of spreading false and unverified rumors, let’s be responsible and do out part in sharing the right information. Let’s save lives, think before you click,” dagdag pa nito. (Jaymel Manuel)