P1.5-B SMUGGLING BUST NG PNP, PATUNAY NG MAS MAHIGPIT NA PAGPAPATUPAD NG BATAS

By: Jerry S. Tan

Hindi nagkataon ang P1.5 bilyong pagkakasamsam ng mga unregistered na produktong tabako na tinukoy ng pulisya bilang smuggled cigarettes sa Malabon, ito ay bunga ito ng tuloy-tuloy na pagbabantay, maayos na palitan ng impormasyon at mahigpit na ugnayan ng mga ahensya.

Ayon kay acting PNP Chief Jose Melencio C. Nartatez, Jr. isinagawa ang operasyon noong bisperas ng Bagong Taon at inilatag sa press briefing noong Enero 1, kung saan natagpuan ang mga smuggled cigarette sa loob ng isang cargo facility at tatlong indibidwal ang inaresto dahil sa kakulangan ng dokumento.


Sa isang briefing kaugnay ng operasyon, binanggit ni Nartatez na malaki ang halaga ng huli, ngunit mas mahalaga ang paraan: tahimik, organisado, at walang palabas.

Sa halip na magpokus lang sa resulta, ipinaliwanag niya kung paano sinundan ang impormasyon, paano nanatiling handa ang mga unit at kung paanong naging mahalaga ang koordinasyon ng pulisya at mga katuwang na ahensya.

Kasama sa naturang briefing ang mga opisyal ng Highway Patrol Group, Northern Police District at Bureau of Customs Enforcement Group, kung saan naging malinaw ang iisang mensahe: may direksyon, may pamumuno at magkakasabay ang kilos sa loob ng Philippine National Police.


Ani Nartatez, bunga ang operasyon ng patuloy na pagbabantay at maayos na palitan ng impormasyon, kung saan hindi lang sa mga pantalan nakatuon ang galaw ng pulisya kundi sinundan ang daloy ng ilegal na produkto hanggang sa mga lugar na iniisip ng mga smuggler na hindi na nasusubaybayan.

Tinitignan umano ng PNP kung may koneksyon ang huli sa Malabon sa isa pang malaking kaso ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes sa Batangas City, na maaaring magpahiwatig ng mas malawak na smuggling network.




Sa atas ni Nartatez, pinalawak ang imbestigasyon upang matukoy ang ugnayan ng mga insidente, kung saan ipinapakita ang paglipat ng PNP mula sa pagtugon sa bawat huli nang hiwa-hiwalay tungo sa paghabol sa mga organisadong grupong nasa likod ng smuggling.

“Hindi simpleng usapin ng dokumento ang smuggling. Direktang naaapektuhan nito ang lehitimong negosyo, binabawasan ang kita ng pamahalaan at nagbibigay-daan sa ilegal na gawain na magpatuloy nang tahimik. Sa operasyong ito, malinaw ang mensahe ng mga awtoridad: hindi palalagpasin ang smuggling at pananagutin ang mga sangkot. Ipinakita rin nito na kapag magkakaugnay ang pamumuno, impormasyon at aksyon, nagiging epektibo ang pagpapatupad ng batas,” aniya.


Dagdag pa ni Nartatez na ipinapakita ng operasyon ang direksyon ng pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.—disiplina sa pagpapatupad ng batas at mas pinatibay na inter-agency coordination—na sinusuportahan ng panawagan ni Jonvic Remulla, Secretary of the Interior and Local Government, para sa malinaw na pananagutan.

Mula sa isang operasyon sa Malabon, malinaw na lumalawak ang kampanya laban sa smuggling patungo sa sistematikong pagbuwag ng mga ilegal na network at sa ganitong balangkas, ang batas ay hindi lamang ipinahahayag kundi aktibong naipapatupad, dagdag pa nito.



Tags: Jr., PNP Chief Jose Melencio C. Nartatez

You May Also Like