NASA P4.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Cebu City PNP kamakalawa ng gabi.
Sa ibinahaging ulat ni Cebu City Police Office Director, Col. Ireneo Dalogdog, isang high value target ang nasakote ng kanilang mga tauhan sa isinagawang buy bust operation sa Barangay Bulacao.
Itinatayang nasa 600 gramo ng hinihinalang shabu ang nakuha umano sa suspek na hindi muna kinilala sanhi ng isinasagawang follow up operation para matukoy ang source ng droga na hinahanguan ng bigtime pusher.
Ayon pa kay Dalogdog, “tuloy- tuloy lang ang aming kampanya kontra ilegal na droga, katuwang ang PDEA.”
Samantala, isang pulis naman at dalawang kasama nito ang nahuli ng mga tauhan ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region (PDEA-BAR) sa Cotabato City.
Nakilala ang mga suspek na sina Patrolman Jassim Mohammad Aking at dalawang kasama nito na sina Sandatu Macmod at Fatima Usman.
Ayon kay Cotabato City Police Director Colonel Quiruben Manalang na nagsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng PDEA-BAR katuwang ang pulisya sa isang palamigan sa bahagi ng San Isidro Street Barangay Rosary Heights 10 sa lungsod.
Nasamsam sa mga suspek ang nasa 12 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P81,000, kasama ng ‘object of sale’ na isang malaking paketeng shabu na tumitimbang ng 50 grams at may drug market value na P34,000.
Naka-recover din ang PDEA-BAR ang mga IDs,Cellphone, susi ng Suzuki multicab at nabawi din ang P100,000 boodle money.
Sa ngayon ay nakapiit ang mga suspek sa custodial facility ng PDEA-BAR at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














