Nadiskubre ang mga pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.4 milyon na karga ng isang van matapos na masita ang driver nito dahil sa traffic violation, kahapon ng hapon sa Quezon Boulevard, Sta. Cruz, Maynila.
Pinipigil sa Manila Police District- Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) ang truck driver na si Johndreyl Jadocana,31 at taga Barangay Camanang, Urdaneta City, Pangasinan; at Sixto Gorembalem ,40 at taga Barangay Nancamaliran, Urdaneta City, Pangasinan.
Nabatid na ala- 1:45 ng hapon nang sitahin si Jadocana ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na sina Darwin Garcia at Rommel Canete habang nagmamaneho ng closed van na may plate number IAD-4617 dahil sa traffic violations na reckless driving, disregarding traffic officer at no seatbelt.
Sa halip na tumigil ay hindi huminto ang driver kaya hinabol sila ng traffic enforcers hanggang sa Moriones,Tondo at nang abutan ay tiningnan ang laman ng van at dito na nakita ang may 18 kahon ng sigarilyo,kaya tumawag sila kay PMaj Edward Samonte para humingi ng tulong sa mga nakitang kahon ng sigarilyo.
Kasamang dumating ng mga nagrespondeng pulis ang kinatawan ng Phillip Morris Fortune Tobacco Corporation na si Solomon Dador at Wyngrad Morales at base sa inisyal na eksaminasyon, lumalabas na ang mga sample ng sigarilyo na sinuri ay hindi galing sa kanilang kumpanya.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 7394 (Consumer Act of the Philippines) Section 168 of R.A 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines ,ang dalawang suspek sa Manla Prosecutors Office. (Carl Angelo)














