P1.4-B pondo para sa pagpapalawig ng libreng sakay sa EDSA Carousel inilabas na ng DBM

Ipinalabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang 1.4 bilyong pisong pondo para sa extension ng “Libreng Sakay” sa kahabaan ng EDSA Busway simula sa Septiyembre 1 hanggang Disyembre 30, 2022.

Ito ay matapos aprubahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) na P1.4 billion para sa Service Contracting Program na sumusuporta sa libreng sakay para sa mga manggagawa at mga estudyante.


“Ito pong paglagak natin ng additional funds ay suporta natin sa hangad ni President marcos na i-extend ang programang libreng sakay ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board hanggang sa katapusan ng taon,” ani Pangandaman.

Matatandaang matatapos sana ang programang inumpisahan ng dating administrasyon noong Hulyo 31 subalit pinalawig ito ni Pangulong Marcos Jr. hanggang sa Disyembre.

Sinabi ng kalihim na malaking tulong ang libreng sakay sa budget ng mga estudyante at mga manggagawa at tinatayang nasa 50 milyong pasahero ang makikinabang sa programa.


“Malaking tulong at ginhawa ang libreng sakay sa bulsa ng mga commuter lalo na sa mga estudyante at mga kabilang sa labor force. This will support up to 50 million ridership from September 1 until December 31,” dagdag ni Pangandaman.

Tinatayang nasa 628 units ng mga bus sa EDSA na bumibiyahe sa Metro Manila ang makikinabang sa pondo sa ilalim ng Service Contracting Program at malaking tulong aniya ito sa mga tsuper ng bus.


“Magiging malaking tulong po ito sa kabuhayan ng mga driver ng EDSA Busway na hanggang ngayon ay bumabangon mula sa epekto ng pandemya at apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina,” wika pa ni Pangandaman.


Tags: Department of Budget and Management (DBM)

You May Also Like