P1.1 milyon pekeng sigarilyo, nasamsam; 2 nagbebenta, arestado

By: Jerry S. Tan

Arestado ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team(MPD-SMaRT) ang dalawang lalaki na nagbebenta at may 100 ream ng hinihinalang mga pekeng sigarilyo ang nakumpiska, kamakalawa sa isang storehouse sa Sta. Ana, Maynila.

Ayon sa ulat na nakarating kay SMArT chief Maj. Edward Samonte, sinabi ni PMaj Dave Garcia,deputy chief ng SMaRT, na dumulog sa kanilang opisina ang kinatawan ng isang kompanya ng sigarilyo at sinabing talamak ang bentahan ng pekeng sigarilyo sa lugar.


“Unang-una, hindi siya nakatatak sa government natin. Pangalawa ‘yung Consumer’s Act na nava-violate nila. And pangatlo ‘yung health ng magsisigarilyo nito, hindi natin alam ‘yung content ng mga sigarilyo na ‘to,” ani Garcia.

Nagsagawa ng beripikasyon ang SMaRT sa atas ni Samonte at nang makumpirma ay nagkasa ng entrapment operation, ala 1:30 ng hapon kung saan naaresto ang dalawang suspek na di muna pinangalanan habang iniimbistigahan .

Itinuro ng mga ito ang bahay na pinagkukunan nila ng suplay ng mga pekeng produkto kung saan 2 pang suspek ang nakatakas at naiwan ang napakaraming pekeng sigarilyo.


Ayon kay Samonte, nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines (Selling and Transporting of Suspected Fake or Counterfeit Cigarettes) at Consumer Act of the Philippines.


Tags: Manila Police District -Special Mayor's Reaction Team(MPD-SMaRT)

You May Also Like