P0.1761/kWh taas-singil sa kuryente ngayong Mayo, inanunsiyo ng Meralco

By: Arsenio Tan

Nag-anunsiyo ang Manila Electric Company (Meralco) ng P0.1761 kada kilowatt hour (kWh) na taas-singil sa kuryente ngayong buwan ng Mayo.

Sa isang abiso, sinabi ng Meralco na dahil sa naturang dagdag-singil, ang overall rate para sa isang typical household ay umaabot na sa P11.4929/kWh mula sa dating P11.3168/kWh lamang noong Abril.


Nangangahulugan ito ng P35 na dagdag sa bayarin ng residential customers na nakakakonsumo ng 200 kWh kada buwan; P53 sa mga tahanang nakakakonsumo ng 300 kWh; P70 para sa mga nakakagamit ng 400 kWh at P88 naman para sa mga kumukonsumo ng 500 kWh kada buwan.

Ayon sa Meralco, ang mas mataas na generation charges, na tumaas sa P7.6697/kWh mula P7.3295/kWh noong Abril, at pagtaas rin ng presyo ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at Power Supply Agreements (PSA) ang dahilan nang pagtataas ng singil ng kuryente.

Nabatid na ang WESM charges ay tumaas sa P1.7367/kWh dahil sa mas mataas na peak demand, habang ang charges naman mula sa PSA ay tumalon sa P0.9086/kWh.


Sinabi naman ng Meralco na ang rate increase ay bahagya pang na-offset dahil sa bawas sa transmission charges.

Ipinaliwanag rin ni Meralco Utility Economics head Larry Fernandez na malaking factor ang mainit na panahon kaya tumataas ang presyo ng kuryente.


Sa kanyang panig, sinabi naman ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga na inaasahan nilang magsisimula ang pagbaba sa presyo ng kuryente sa Hulyo pa dahil mainit pa rin ang panahon.

Muli rin namang nagpaalala ang Meralco sa publiko na magtipid ng kuryente.


“To better manage electricity consumption, which historically spikes between 10% to 40% during the dry season, Meralco encourages the public to embrace energy efficiency and conservation,”dagdag pa ng Meralco.

Tags: Manila Electric Company (Meralco)

You May Also Like

Most Read