P 8-MILLION HALAGA NG SHABU, HULI SA CEBU; EX-LADY COP, HULI SA BICOL

ITINATAYANG aabot sa mahigit P8-milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa isang lalaking naaresto sa anti-narcotics operation sa Cebu City kahapon ng madaling araw habang isang dating pulis naman ang inaresto ng mga pulis sa Camarines Sur dahil din sa iligal na droga.

Nitong Linggo ng madaling araw, isang “high-value drug personality” na hindi muna pinangalanan ang inaresto sa operasyon sa Barangay Lorega San Miguel, Cebu .


Mahigit sa isang kilo shabu na may halagang P8.1 milyon ang nasamsam sa suspek.

Subalit ayon sa suspek, tagahatid lamang siya ng iligal na droga at hindi siya bigtime drug dealer, dahil isa lamang siyang kusinero sa isang kainan.

Ayon kay Police Maj. Efren Diaz Jr., matagal na nilang minamanmanan ang suspek, na may malawak na network sa pagbebenta ng droga.


Samantala, kasong paglabag sa RA 9165 OR Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022 ang kakaharapin ng isang dating babaeng pulis na dinakip ng mga ng mga tauhan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group Luzon Field Unit Team 5 matapos siyang mabitag sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay San Rafael, Bato, Camarines Sur.

Kinilala ni PNP-IMEG, acting director, PBGen. Warren De Leon ang suspek na si ex- PCpl Richelle Magalona Mata, 41, ng nasabing lugar.


Una rito, isang drug buy-bust operation ang inilatag ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency sa Bato, Camarines Sur laban sa dating pulis na may ranggong police corporal nang ma-dismiss.

Si Mata ay sinibak sa pwesto at kabilang sa Counterintelligence Watchlist ng Camarines Sur Police Provincial Office, Police Regional Office 5.


Sinibak sa serbisyo ang dating policewoman matapos na magpositibo sa drugtest sa Magarao Municipal Police Station noong 2020, ayon sa hepe ng Bato Police na si Raymond Quinito.

Nakumpiska sa buy-bust ang aabot sa P88,400 na halaga ng hinihinalang shabu.

Paliwanag ni De Leon, ang Counterintelligence Watchlist (CIW) ay ang listahan ng mga tauhan ng PNP na mayroong derogatory information matapos matugunan ang lahat ng itinatag na parameters.



Nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga si PCpl Mata matapos magsagawa ng surprise drug test examination ang Camarines Sur PPO, PRO5 sa lahat ng tauhan ng PNP.

Simula noon, nag-AWOL siya o Absent Without Official Leave at kalaunan ay na-dismiss sa serbisyo.

Nakumpiska sa possession ng naarestong suspek ang tatlong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang 13 gramo ang bigat at itinatayang nagkakahalaga ng PP88,400 at isang genuine na P500 bill kasama ang ilang piraso ng boodle money na ginamit bilang buy-bust money. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: Police Maj. Efren Diaz Jr.

You May Also Like