‘Overaged’ na kandidato, di papayagan sa SK elections

Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na di nito palulusutin ang mga ‘overaged’ na kandidato na nais tumakbo sa darating na Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Pinayuhan ni Comelec Chairman George Garcia ang mga ito na huwag nang magtangka na magpasa ng ‘certificate of candidacy (COC)’ dahil sa masusi nilang susuriinang mga ito.


Nabatid kay Garcia na marami umanong gumagawa nito na umaasang makalulusot dahil sa alam nila na sobrang dami ng kaso na hinahawakan ang Comelec at hindi agad nareresolba.

Sinabi ni Garcia na para maiwasan ang santambak na kaso na nareresolba lamang kapag patapos na ang termino ng isang SK official, sa pagpapasa pa lamang ng COC ay kanila na itong mahigpit na susuriin at tatanggihan.

“We can now refuse to accept the certificates of candidacies…’yun po ay para mapigilan na ma-prostitute ang ating electoral process,” ani Garcia.


Alinsunod sa Section 10 ng Republic Act No. 10742, nakasaad na ang isang opisyal ng SK, nahalal man o appointee, ay dapat na isang citizen ng Pilipinas, kuwalipikadong botante, residente ng kaniyang barangay ng hindi bababa sa isang taon, at 18 hanggang 24 taong gulang sa araw ng halalan.

Isusulong ito ng Comelec sa kabila na naratipikan na ng Senado at Kongreso ang ‘bicameral conference committee report’ sa pagpapaliban ng Barangay at SK elections at pagsasagawa nito sa Oktubre 2023 na.


Ang pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kinakailangan dito para maging epektibo.

Gayunman,nag-umpisa na ang Comelec at National Printing Office (NPO) ng pag-iimprenta ng kakailanganing 91 milyong balota para sa BSKE.


Hindi namam umano ito masasayang kahit pa tuluyang maipagpaliban ang BSKE. (Jaymel Manuel)

Tags: Comelec Chairman George Garcia

You May Also Like