Nagsagawa ng outreach program ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila sa pamamagitan ng ‘Lingap Kapwa Task Force’.
Binigyang-diin ni MIAA General Manager Eric Jose Ines ang kahalagahan ng pagkakaisa at pakikiramay sa panahon ng Kapaskuhan, lalo na sa mga hamon na kinakaharap ngayon ng maraming pamilyang Pilipino kasunod ng matinding pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang pinsalang dulot ng mga nagdaang bagyo.
Sa pamamagitan ng ‘Lingap Kapwa Task Force’, ang MIAA ay nag-donate ng 50 kahon ng iba’t -ibang mga gamit pambata at pang-adult na damit at kumot.
May kabuuang 1,000 pamilya na nawalan ng tirahan sa kamakailang sunog sa lugar ang nakinabang sa donasyon.
Ayon kay Ines, kinansela na nila ang taunang Christmas party para sa mga kawani ng paliparan upang tugunan ang panawagan ni pangulongFerdinand Marcos, Jr. na makiramay sa mga biktima ng kalamidad at pagtuunan ang paglilingkod sa mga kababayan sa halip na magsagawa ng magarbong party sa Pasko.