SUPORTADO ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa pangunguna ni NAPOLCOM Vice Chairperson at Commissioner Atty. Rafael Calinisan ang planong pagpapatupad ng ‘eight-hour working shift’ para sa mga pulis, base sa nais na ipatupad ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III nang ito ay manungkulan bilang bagong pinuno ng kapulisan.
Sa katunayan, ayon sa NAPOLCOM, noon pa nila balak na ipatupad ang pagbalik sa walong oras na working shift sa mga pulis kaya agad nilang sinang-ayunan ang pagpapatupad nito.
Plano ni Torre na ibalik ang otso oras na duty ng mga pulis sa pamamagitan ng tatlong shifts sa loob ng 24 oras para mas maging aktibo at produktibo ang mga pulis habang naka-duty
Bunsod nito, inihayag ni Calinisan na nakikipag-ugnayan din ang kanilang tanggapan kay Torre upang makapag-balangkas ng resolusyon na kinakailangan para sa implementasyon nito at agad na ring maipatupad ang mga inilalatag na pagbabago sa police operation ng pambansang pulis.
Sinasabing mahalagang bagay ito sa plano ni Torre na paigtingin ang beat patrol, police visibility a, pagpapatrolya sa mga lansangan gamit ang mga mobile patrol cars, sa halip na tumambay sa mga police box o Police Community Precinct.














