Ngayong nagbitiw na sa puwesto ang dating hepe ng Office for Transport Security (OTS) na si Ma. O Aplasca, nakatuon ang mata ng publiko kung magpapatuloy ba ang nakawan sa final security check o mahihinto na rin sa wakas.
Sa totoo lang, nakakaawa rin ang mga nalalabing matitinong OTS dahil sa nawasak na reputasyon ng kanilang ahensiya, bunga ng sunod-sunod na insidente na ang pinakahuli ang siyang pinakanag-viral. Dinaig ng insidenteng paglunok ng nawalang $300 ng isang paalis na Chinese passenger ang nag-viral din na insidente noong Pebrero kung saan nakitang nagwawala ang isang Thai passenger matapos nawalan ng pera pagdaan ng bag nito sa final security check. Viral ang video na nakuhanan ng isa pang banyagang pasahero ang insidente.
Kelan lamang, nag-observe ang inyong lingkod sa may final security check sa NAIA Terminal 3 at doon ay nakasaksi tayo ng isang insidente na nagpapakita naman ng mabuti sa panig ng OTS.
Isang may edad nang pasaherong Pilipino ang nagwawala dahil nakitaan ng matulis na gunting sa loob ng kanyang handcarry bag.
Matagal-tagal ding nakipagtalo ang pasahero at ipinipilit na ginagamit niya ang gunting sa paggupit ng balbas niya. Nakailang biyahe na daw siya at hindi kelan man kinumpiska ang kanyang gunting.
Matapos ang mahabang paliwanagan kung bakit bawal niyang dalhin ang gunting, biglang nagwala ang pasahero. Ibinalibag ang gunting, dahilan para ito ay maghiwalay. Tumalsik ang isang bahagi at tumama sa nakatayong empleyado ng OTS pero sa kabila niyan, hindi nito pinatulan ang pasahero.
Ang siste, nung sinabi ng opisyal ng OTS na si Calica (hindi ko nakuha ang first name) na tinamaan ang isang tao nila, galit na kinompronta pa ng pasahero ‘yung tinamaan. Nag-sorry na daw siya sabay tanong kung naghahanap ba daw ito ng compensation sa mapangutyang paraan.
Kahit ininsulto, hindi pa rin pinatulan ang pasahero.
Ipinaliwanag ni Calica na kailangan talagang kumpiskahin ang gunting dahil pagdating sa Estados Unidos na destinasyon ng nasabing pasahero, masisita din ito at kapag nangyari ang ganun, magpapadala umano ng komunikasyon mula sa airport ng US patungo sa Pilipinas kung saan kukuwestiyunin bakit at paanong nakalusot ang isang bagay na bawal sa handcarry.
Dahil sa aking nasaksihang haba ng pasensiya ng mga taga-OTS na naka-assign nang oras na iyon ng napakatagal na pagwawala ng pasaherong kung tutuusin ay wala sa katwiran, masasabi kong nakabawi ang OTS kahit paano mula sa serye ng kahihiyang dulot ng mga sumabit nilang kasamahan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.