TUTULUNGAN ng Commission on Elections (Comelec) ang mga guro kaugnay sa kanilang apela sa overtime pay para sa kanilang duty sa araw ng eleksyon gayundin sa pag-aalis ng tax sa kanilang honorarium.
Sa isang interviewed ngayong Lunes, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na tinitingnan na ng poll body ang inihaing apela ng mga guro at ieendorso nila ito sa mga concerned agencies gaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Baka sakaling ‘yung kanilang saloobin na ‘yan, sana makatulong din ang Comelec para maiparating sa ating BIR na baka naman pupuwedeng pag-isipan nga na ‘yung in-impose na tax lalo dito sa paglilingkod nila sa araw ng halalan baka naman ma-waive na,” giit ni Garcia.
Sa isang pulong kasama ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) nitong Linggo, binanggit ni Garcia na ang apela para sa overtime pay ay kanila ring tinalakay.
Ayon sa opisyal, batay sa isang joint memorandum circular sa pagitan ng Civil Service Commission (CSC) at ng Department of Budget and Management (DBM) nakasaad na ang Comelec ay hindi pinapayagang magbigay ng overtime pay sa mga manggagawa na hindi nila mga empleyado.
Iminungkahi naman ni Garcia ang pagpapasa ng apela ng mga guro sa CSC at DBM.
“Kung ako lang ang boboto, I will vote for grant of overtime para po sa ating mga guro,” sabi ni Garcia.