PINAGPAPALIWANAG ng Department of Health (DOH) ang pamunuan ng isang Hospital sa Quezon City kung bakit tumanggi silang palabasin ang 10-buwan na sanggol dahil sa di mabayaran na bill na aabot sa P1.1 milyon.
Kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nangyari ang insidente at tumulong ang DOH para mailabas ng pamilya ang sanggol.
Hindi naman pinangalanan ni Vergeire ang sangkot na pagamutan at hindi pa rin nila ipinakikita sa media ang kopya ng liham.
“Ito po talaga ay nangyari. Sumulat po ang DOH, nakipag-usap at nakipagtulungan with the family para madischarge ang pasyente,” ani Vergeire
“But the family now has to commit na babayaran nila eventually through tranches o kung paano ang pag-uusap with the hospital ang kanila pong naiwan na hospital bill… Ang bill po ng ating pamilya na ating tinulungan ay P1.1 million,” dagdag ni Vergeirr.
Iginiit ni Vergeire na hindi maaring magdetine ng pasyente ang pagamutan dahil lamang sa hindi sila nakabayad ng bills.
Nalaman na mayroon umano tayong batas na anti-hospital detention law kung saan wala pong hospital ang may karapatan na mag-detain ng kahit na sinumang individual na hindi makakabayad nang buo sa kanilang hospital bill.