BUKOD sa cancer hospital, plano rin ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na magpatayo ng ospital para sa taong may karamdaman sa puso, sakaling palaring maging susunod na pangulo ng bansa sa halalan sa Mayo 9.
Ayon kay Moreno, napansin niyang ang kasalukuyang centers para sa mga may sakit sa cancer at puso ay laging punong-puno ng pasyente.
Anang alkalde, nagaganap ito dahil na rin sa lubhang napakamahal magpagamot sa mga pribadong ospital at mahirap namang makakuha ng libreng gamutan.
Sa kaso aniya ng Maynila, sinabi ni Moreno na ang “Bagong Ospital ng Maynila” ay inaasahang magbubukas na sa susunod na mga buwan at magbibigay ng iba’t ibang uri ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng lungsod, partikular na para sa mga naninirahan sa ikalimang distrito. Ang Maynila ay mayroong isang ospital kada distrito na nagbibigay ng libreng serbisyo.
Ginarantyahan rin ng alkalde na ang fully-airconditioned hospital na mayroong state-of-the art facilities at equipment ay kaparehas na rin ng mga mamamahaling pribadong pagamutan.
Pagtiyak pa ng alkalde, tulad din ng Bagong Ospital ng Maynila, ang kanyang planong pagpapatayo ng cancer at heart hospitals sa bansa ay maisasakatuparan lalo’t may pagkukunang pondo ang gobyerno na malaking di hamak, kung ikukumpara sa pondo ng local government units.
“Kung nagawa namin ito sa Maynila, magagawa ito sa buong bansa. Gusto ko lang na mabigyan ng maganda-gandang laban sa buhay ang mga kababayan nating may sakit sa puso at kanser na walang sapat na perang pampagamot,” sabi ni Moreno.
Idinagdag pa ng alkalde na sa Maynila, ang mga mamahalin at life-saving na gamot laban sa COVID-19, ay ipinamimigay ng libre sa mga nangangailangan nito, maging sila man ay taga-Maynila o hindi, hanggat mayroon silang suplay ng naturang mga gamot.
Para kay Moreno ang pinakamabuting “return of investment” kapag naipadama mo bilang gobyerno na nakapagpasaya ka ng tao dahil nabigyan mo siya ng panibagong buhay. (Philip Reyes)