Nakakuha ng GOLD Award ang Ospital ng Tondo (OsTon) na pinamumunuan ni Hospital Director Dr. Edwin C. Perez.
Ito ay bilang pagkilala sa natatanging tagumpay na naabot ng OsTon sa pamamagitan ng 114.3% revenue collection efficiency para sa taong 2025.
“Ang mahalagang tagumpay na ito ay patunay ng matibay na paninindigan ng ospital sa kahusayan sa pananalapi, transparency at pananagutan sa pamamahala ng pondo ng bayan,” ani Perez.
Aniya, ang paglagpas sa itinakdang target sa kita ay nagpapakita ng mahusay na pamamahala at dedikasyon ng OsTon sa pagpapanatili ng matatag na pananalapi, upang masuportahan ang mas maayos at de kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa komunidad.
“Ipinagkaloob ng pamunuan ng ospital ang tagumpay na ito sa sama-samang pagsisikap ng kanilang pamamahala, pangkat sa pananalapi at ng lahat ng kawani na patuloy na nagsisilbi nang may mataas na antas ng propesyonalismo at malasakit sa publiko,” pahayag ni Perez.
Tiniyak ni Perez na ang pagkilalang GOLD Award ay lalo pang nagpapatibay sa papel ng OsTon bilang isang responsable at mapagkakatiwalaang institusyong pangkalusugan ng pamahalaan, na kaagapay ng mas malawak na bisyon ng Lungsod ng Maynila para sa kaunlaran at mabuting pamamahala.
Napag-alaman na nananatiling walang bayad ang naturang ospital at ang koleksyong nabanggit ay nauukol sa PHILHEALTH.
“‘ Yung mga pasyente na ‘no balance billing’ eh tayo nman ang binayaran ng Philhealth, then bumalik sa City hall ‘yung collection para magamit uli ng mga hospital para makalibre uli ang mga pasyente at may pangtustos ang mga hospital ng Maynila,” pahayag ni Perez.














