Ito ang napag-alaman mula kay Mayor Honey Lacuna, na nagpahayag ng malaking panghihinayang dahil kinakailangan pa ulit maglabas ng P50 milyon ang Manila local government unit (LGU) bilang karagdagan sa orihinal na construction expenses ng nasabing proyekto, para lamang ayusin ang mga depekto matapos ito maging ‘white elephant’ o walang silbi.
‘Yan ay dahil hindi ito binigyan ng lisensiyang makapagbukas ng Department of Health (DOH) bunga ng mga depekto na bunga ng pag-apura ng administrasyon ni Isko Moreno na maumpisahan ito sa kasagsagan ng Presidential elections nung 2022, kung saan nabigo ang proyekto na masunod ang mga pamantayang itinakda ng DOH.
Ibinunyag ni Mayor Honey Lacuna na ang Pres. Corazon C. Aquino General Hospital sa Baseco ay hindi binigyan ng license to operate ng DOH dahil hindi ito pumasa sa mga kinakailangan o ‘required standards’ dahil sa minadali umano ang paggawa nito.
Napag-alaman na nitong December 2024, ang Manila LGU ay kinailangang maglaan ng karagdagang P50 million para matapos na ang nasabing proyekto dahil hindi ito pumasa sa standards na itinakda ng DOH.
Habang si Moreno ay naroon lamang sa groundbreaking noong 2021, si Lacuna ang siyang tumapos nito, tulad din ng iba pang mga proyekto na sinimulan halos nang sabay-sabay.
“Taong 2021 nang isinagawa ang groundbreaking ng nasabing ospital sa ilalim ng nakaraang administrasyon, subalit hanggang ngayon, hindi pa rin ito nabubuksan upang mapakinabangan ng mamamayan. Sa halip, patuloy ang paglalaan ng pondo para ayusin ang mga maling pagkakagawa nito—kabilang na ang karagdagang ?50 milyon na inilaan para sa pagsasaayos,” paliwanag ni Lacuna.
” Ibig sabihin, mali ang plano. Palpak, dahil minadali noong kasagsagan ng presidential election. Kung hindi naman popondohan ulit, magiging semento nalang ito habambuhay. Kung maayos lang sana ang lahat, nakatipid sana ang LGU at hindi nadoble ang gastos,” dagdag pa nito.
Ayon kay Lacuna, kung hindi sana inapura ang proyekto at sa halip ay ginawa ito alinsunod sa itinakdang pamantayan at regulasyon ng DOH ay hindi na sana kailangan pang gumastos muli ang local government unit ng milyon-milyon.
Aniya, “Ang pondo ng bayan ay dapat mapakinabangan ng taumbayan, hindi masayang sa mga proyektong hindi maayos ang pagkakagawa.”
“Ang Baseco Hospital ay isa sanang mahalagang serbisyong pangkalusugan para sa mga residente ng nasabing lugar. Patuloy natin itong isinasaayos ni upang sa wakas ay magamit ito, sa layunin nitong maghatid ng libreng serbisyong medikal sa mga nangangailangan,” pagtitiyak ni Lacuna sa mga taga-Maynila.