SINABI ni Akayon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno na ipatutupad niya ang open governance policy kapag siya ang naging Presidente ng bansa.
“Bukas na pamahalaan, bukas na financial records, at bukas ang lahat ng transaction. Walang itinatago, walang ikinukubli. At higit sa lahat, bukas ang isipan sa mga makabagong paraan. Bukas sa mga modernong idea,” ayo kay Moreno.
Ginunita ni Moreno na noong unang araw niya bilang alkalde ng Maynila, ay nagpalabas siya ng Executive Order No. 1 (Open Governance Policy) na nagbukas sa publiko ng lahat ng mga ipinagkaloob o inaprubahang transaksyon sa lungsod.
Ito ay ginawa sa pamamagitan ng official media platforms ng bawat department, bureau o office sa loob ng pamahalaang lungsod.
Inoobliga ng nasabing kautusan ang lahat ng opisyal na ilathala sa loob ng 24 na oras ang pagbibigay o pag-aapruba ng kahit na anong transaksyon.
“Kabilang dito ang lahat ng executive orders, ordinances, bidding activities, contract signings at mga inaprubahang proyekto at aktibidad ng lungsod na dapat laging naka-Facebook live,” dagdag ni Moreno.
Samantala, sinigurado rin ni Moreno na sa ilalim ng kanyang liderato ang lahat ng ito ay magaganap sa lalong madaling panahon tulad na lamang ng nangyari sa Maynila.
“I get things done kasi focused ako. Lahat ng problema sa buhay ko, hindi ko sinukuan. Bilang basurero, bilang sidecar boy, bilang artista, bilang public servant na hindi nakapag-aral. Lahat ‘yun pinunan ko, nilagpasan ko, natawiran ko kaya itatawid namin kayo,” sabi ni Isko. (TSJ)














