PINAG-IINGAT ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group ang mga online shoppers maging ang publiko na target ng ibat- ibang online modus operandi ng mga scammers at ‘online kawatan’, lalo na ngayong papasok ang Yuletide season.
Inihayag ni PNP Anti-Cybercrime Group Spokesperson Lt. Michelle Sabino na lahat ng pamamaraan ay gagawin ng mga kawatan upang makapanlinlang at kumita, kaya pinayuhan nito ang mamamayan na maging ‘vigilant,’ mapanuri at maingat sa mga online transaction lalo na’t magagaling din ang mga online scammer sa mga modus.
Kaugnay nito’y hinikayat ni Sabino ang publiko na bisitahin ang kanilang Facebook page na PNP Anti- Cybercrime group at doon ay makikita umano kung paano ang sistema ng mga panloloko online o gamit ang mga social media.
Naglabas din ng babala ang PNP-Anti Cybercrime Group hinggil sa mga modus na may kaugnayan sa foreign exchange at crypto currencies.
Babala ni Police Brig. Gen. Joel Doria, director ng PNP-Anti-Cybercrime Group sa publiko, naglipana ngayon ang mga crypto investment scam.
Ani Police Bgen Doria ginagalingan ng ilang mga indibidwal at maging ng ilang grupo ang kanilang modus at akitin ang mga tao na mag invest ng pera sa mga pekeng crypto investments na umaabot na ngayon hanggang ibayong dagat.
Ayon sa mga awtoridad mas lalong nagiging creative ang mga scammers para maakit ang kanilang mga potential victims gamit ang kanilang bagong modus, kabilang dito ang paghikayat sa isang potential investor na i-download ang isang Crypto App at kapag installed na, nire-require na cash-in ang kanilang investments sa pamamagitan ng digital wallets na nakalista sa application.
Ang mga scammers ay gumagamit ng pekeng DTI permits at SEC certificates.
Samantala, sinabi pa ng opisyal na mula January 1 hanggang November 23, 2022, pinakamataas na naitala nilang cybercrime ay estafa o swindling na sinundan ng hacking, identity theft, online libel, grave threat at anti-photo at video voyeurism. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)