By: Itchie G. Cabayan
AGAD na nasawi ang isang 28-anyos na online seller matapos pagbabarilin ng nag-iisang gunman habang hinihintay ang pagdating ng buyer ng kanyang mga ibinebentang damit kamakalawa.ng gabi sa panulukan ng Dagonoy at Radium Streets,Brgy 175 San Andres Bukid,Maynila.
Batay sa ulat ng Manila Police District -homicide section, namatay noon din ang biktimang si Kyle Mario Castro, ng No. 2423 Radium St., Brgy 775, San Andres Bukid, dahil sa tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Naganap ang insidente alas 5:10 ng hapon sa nabanggit na lugar, nang magpunta doon ang biktima para sana katagpuin ang buyer ng kanyang mga ibinebentang damit online.
Habang naghihintay ay nilapitan umano siya ng suspek na nakasuot ng kulay pulang helmet,short pants at sandals at kaagad na pinagbabaril.
Matapos tiyaking napuruhan ang biktima, sumakay agad sa motorsiklo ang suspek at tinumbok ang direksiyon ng A. Francisco Street sa kanyang pagtakas.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakilanlan ng salarin at posibleng motibo ng pagpaslang sa biktima.














