ITO ang ginawang pagtitiyak ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) Chairperson Delfin Lorenzana upang masigurong masusuntinahan ang modernisasyon ng mga equipment ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nilinaw ni Lorenzana na walang marching order o partikular na direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pag-upo niya bilang chairman ng BCDA.
Subalit pangunahing target ngayon ng BCDA ay kung paano kikita sa pamamagitan ng pagpapagamit ng mga property ng pamahalaan sa malalaking investors na makakatulong naman sa development ng AFP .
Ipinagmamalaki ng dating defense secretary na bilyon-bilyong piso ang naitulong ng BCDA sa AFP para makabili ng mga makabagong kagamitan nitong mga nagdaang taon at tiniyak nito na magpapatuloy ito.
Inihayag din ni Lorenzana na hindi siya masyadong nag-adjust sa kanyang posisyon ngayon mula sa kanyang dating hawak na defense portfolio . Ang pagkakaiba lamang aniya ngayon, kung sakaling magkamali siya sa pagdedesisyon ay walang buhay ng sundalo at sibilyan ang mapapahamak. (VICTOR BALDEMOR)














