Nakabibingi ang sobrang katahimikan ng social media account na ang pangalan ay katunog ng “One Manira,” pagdating sa mga balitang hindi pabor sa natalong mayoral candidate na si Alex Lopez.
Habang pinalalabas ng mga duwag na nasa likod ng nasabing social media account na sila kuno ay nagsisilbing tagapaghatid ng lahat ng kaganapan sa Maynila, maliwanag pa sa sikat ng araw na ang tunay na dahilan ng paglikha ng nasabing account ay para lamang sa pagkakaisang manira sa mga tumalo kay Lopez at mga kapartido nito. Kaya nga, “One Manira” kasi nagkakaisa sila sa layunin at pagiging abala sa paninira.
Mula sa pagkatalo ni Lopez sa eleksyon, hanggang sa matalo din ito sa inihaing protesta sa Commission on Elections at nito ngang huli ay natalo na naman sa tangkang pagpasok sa eksena ukol sa demandang iniharap laban sa ilang opisyal ng lungsod kaugnay ng non-contact apprehension o NCAP.
Ni ha, ni ho ay wala ni isa man lamang na banggit ang “One Manira” ukol sa walang humpay na pagbasura sa kung ano-anong kasong isinasampa ni Lopez laban kay Mayor Honey Lacuna, considering na ang mga desisyong ito ay mula sa Commission on Elections at Korte Suprema pa.
Ano ang ibig sabihin nito? Niloloko ng “One Manira” ang mga taga-Maynila sa pamamagitan ng paglilihim sa mga mahahalagang impormasyon na dapat ay alam ng mga tagalungsod.
Sa halip, patuloy ang panliligaw ng “One Manira” sa mga residente ng lungsod sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapalabas ng mga kasinungalingan at pagbaluktot sa mga katotohanan.
Ni minsan, hindi nabanggit sa nasabing social media account ang katotohanan na batay sa final na resulta ng eleksyon nong Mayo ay umabot ng 538,595 ang kabuuang boto na nakuha ni Mayor Honey Lacuna, kumpara sa nakuha ni Lopez na 166,908 votes lamang.
Maging si Vice Mayor-elect Yul Servo-Nieto ay malaki din ang inilamang sa runningmate ni Lopez na si Raymond Bagatsing. Umabot ng 582,942 votes ang nakuha ni Vice Mayor Yul samantalang si Bagatsing ay nakakuha lamang ng 183,684 votes.
Dahil sa kilometrong kalamangan na’ yan ay ibinasura ng Comelec ang protesta ni Lopez at ayon mismo sa poll body, wala umanong saysay at pag-aaksaya lamang umano ng pagod para kay Lopez at sa Comelec kung itutuloy pa ang pagdinig sa protesta dahil kahit daw idagdag pa kay Lopez ang mga botong kinukuwestiyon niya ay imposible pa ring talunin niya si Mayor Honey dahil ang lamang ng alkalde ay “massive” o sobrang laki.
Patay-malisya din ang “One Manira” nang ibasura din ng Korte Suprema ang motion for intervention na iniharap ng abogado ni Lopez kaugnay ng kasong isinampa ng isang transport group ukol sa NCAP.
Para sa kaalaman ng publiko, sa desisyon ng Korte Suprema ay tila sinasabi nito kay Lopez na “huwag kang makialam” dahil ang layunin ng kanyang iniharap na motion ay ‘sumawsaw’ sa demanda nang may demanda.
Ni isa ba sa mga kaganapang ‘yan ay inilabas ng “One Manira” para sa kaalaman ng mga taga-Maynila? Napaghahalataaan tuloy kung sino ang nasa likod ng account na ‘yan o pino-protektahan nito.
Sa ganang akin, tinitiyak ko na syento por syentong totoo lahat ng mga sinabi ko ukol sa mga pagkakataong natalo si Lopez – mula sa halalan, hanggang sa Comelec protest at Supreme Court kaugnay ng NCAP. Hindi pupuwedeng imbento o gawa-gawa lamang ang mga tinuran ko dahil suportado ng kaukulang papeles ang mga nasabing desisyon.
Eto ngayon ang hamon ko sa mga duwag na nagtatago sa likod ng “One Manira”: Kung talagang patas kayo at sinsero sa layuning impormahan o ipaalam sa mga taga-Maynila ang tunay na mga pangyayari sa lungsod, ilabas ninyo sa inyong social media account ang mga nabanggit kong desisyon ng Korte Suprema at Comelec.
Kapag patuloy na magpapatay-malisya ang mga nasa likod ng “One Manira,” alam n’yo na kung sino ang nasa likuran niyan. Sabi nga, “lam na this.”
***
(Comments and suggestions may be emailed to [email protected].)