Latest News

Omicron subvariants wave, humaba

IKINABABAHALA ngayon ng OCTA Research Group ang paghaba ng wave na dulot ng mga subvariants ng Omicron makaraang manatili ang antas ng reproduction number at growth rate ng COVID-19 ngayong linggo katulad ng numero ng nakaraang linggo.

Sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na nananatili sa 25% ang “one-week growth rate” ng COVID-29 sa National Capital Region.

“‘Yung weekly growth rate… two weeks ago bumababa na siya around 23% so akala namin noon baka malapit na mag peak, pero nag maintain siya at around 25%,” saad ni David sa Laging Handa briefing.


Napanatili rin naman ang reproduction number sa 1.38 katulad ng nakaraang linggo. Ang reproduction number ang numero ng tao na nahahawa ng isang kaso. Kapag umabot sa 1 ang reproduction number, nangangahulugan na bumababa na ang mga kaso.

“May mga possibilities na baka ‘yung pagka complacency natin ay naka contribute sa pag prolong ng wave na ito kasi in-expect natin mga 2 months lang itong wave na ito… pero ngayon mag 2 months na wala pa tayo sa peak,” ayon pa kay David.

Nanatili rin naman ang positivity rate sa NCR sa 14%. Ito ang porsyento ng mga tao na nagpopositibo mula sa kabuuang bilang ng mga sumailalim sa Covid test.

Isang posibilidad rin umano ay maaaring maraming sub-variants ang kumakalat na habang maaari rin na nakarating na rin sa bansa ang mas nakahahawang BA.2.75 subvariant o mas kilala na Centaurus.


Nananatili naman ang Metro Manila sa “moderate risk” nang makapagtala ng average daily attack rate na 7.17 sa kada 100,000 indibidwal. (Philip Reyes)

Tags: OCTA Research Group

You May Also Like

Most Read