IGINIIT ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa pamahalaan na ipawalang bisa na ang Republic Act 8479 o ang Oil Deregulation Law upang muling makontrol ng pamahalaan ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Father Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng CBCP, kasunod na rin nang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa kaguluhang nagaganap ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Nalaman na noong 1998 nang aprubahan ang RA 8479 kung saan tinanggalan ng kapangyarihan ang pamahalaan upang pahintulutan ang mga kumpanya ng langis ng kakayahang makipagkompetensya para sa suplay at pagpepresyo ng mga produktong petrolyo.
“Dahil sa Oil Deregulation Law, pakiusap lang ang pwedeng gawin ng pamahalaan sa mga oil producer na pababain ang presyo ng petrolyo. At dahil pakiusap lang, wala itong pangil na agarang pagpapasunod sa mga oil producer na huwag munang magtaas ng presyo ng kanilang produkto,” ani Secillano.
Mas makabubuti na babaan o tuluyan nang tanggalan ng excise tax ang mga produktong petrolyo dahil lalo lamang itong nakadaragdag sa pang-araw-araw na pasanin ng publiko.
Sinabi ni Secillano na sa kabila na makakaapekto ito sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay mapapagaan naman nito ang buhay ng bawat mamamayan lalo na ang mga nasa sektor ng transportasyon.
Hinikayat ni Secillano ang gobyerno na bigyan muna ng subsidiya o tulong ang mga drayber ng pampublikong sasakyan upang panandaliang makaraos sa kabila ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“Kung gagawin ito ng gobyerno, mawawalan ng dahilan ang mga operator at driver na humirit ng dagdag pasahe na lalo pang magpapabigat sa bulsa ng mga ordinaryong pasahero,” dagdag ni Secillano.
Tumaas ng mula ?3 hanggang ?6 ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa na inaasahang madadagdagan pa sa mga susunod na linggo ng hanggang P10 kada litro.
Sa datos ng Department of Energy (DOE) tumaas ang presyo ng gasolina sa ?9.65 kada litro, ang diesel sa ?11.65 kada litro, at ang kerosene naman ay tumaas ng ?10.30 kada litro mula noong Enero,2022. (Jaymel Manuel)