NI BETH GELENA
MUKHANG hindi nagustuhan ng entertainment reporter at talent manager na si Ogie Diaz ang naging attitude ni senatorial candidate na si Willie Revillame matapos itong makitang mainit ang ulo habang nagsasagawa ng campaign motorcade.
Sa isang viral video, makikitang iritang-irita si Kuya Wil habang pinagsasabihan ang mga tao sa paligid ng kanyang campaign float at nagtatapon ng t-shirt sa mga tao.
“Dapat aware ang kandidato sa kanyang behavior pag nangangampanya, lalo na’t ang daming nakatutok na camera sa iyo,” say ni Ogie sa kanyang Facebook account.
“Hindi dapat pinapairal ang init ng ulo. Alam naman nating mainit na ang panahon, kaya dapat pahabain ang pasensiya,” dagdag pa niya, sabay giit ng: “Paano tayo iboboto nyan kung nakakalimutan nating ngumiti man lang kahit hindi na magbigay ng jacket?”
Binigyang-diin ni Diaz na ang madalas na paninigaw o pagiging masungit ng TV host sa kanyang TV show ay hindi dapat ituring na katanggap-tanggap na asal para sa isang nangangampanyang kandidato.
“Lagi nating iisipin na nanliligaw tayo ng botante para iboto tayo at ipanalo. Pass na muna sa, “Eh sa ganito ugali ko, eh. Nagpapakatotoo lang ako,” paliwanag pa ng talent manager.
“Jacket lang ang ipinamimigay, hindi naman titulo ng house and lot. So, hindi dapat ganyan ang attitude,” aniya.
Bukod sa isyung ito, umani rin ng batikos si Revillame mula sa netizens matapos umamin na wala siyang kongkretong panukalang batas nang tanungin tungkol sa kanyang plataporma.