Hinikayat ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Japan na kaagad na tumawag sa kanilang hotline, sakaling nangangailangan sila ng tulong matapos ang malakas na lindol na tumama sa west coast ng Honshu nitong Bagong Taon.
Sa kanyang paskil sa social media platform na X (dating Twitter), sinabi ni DMW Officer-In-Charge (OFWs) Hans Leo Cacdac na kabilang sa mga numerong maaaring tawagan ng mga OFWs ay ang DMW-OWWA Japan Help Desk Hotline na 1348 (abroad +632 1348) at DMW-MWO-OWWA Osaka hotline numbers +81 7022756082 at + 81 7024474016.
Kaugnay nito, tiniyak rin ni Cacdac sa mga OFWs sa Japan na ipinapanalangin nila ang kanilang kaligtasan.
“For OFWs and OFW families affected by the earthquake in Western Japan, we have a DMW-OWWA Japan Help Desk with Hotline 1348 (abroad +632 1348),” tweet ni Cacdac.
“Praying for the safety of all. God bless po,” pahayag pa niya.
Una naman nang iniulat ng embahada ng Pilipinas sa Japan na wala pa silang natatanggap na ulat na may mga Pinoy na naapektuhan ng 7.6 magnitude na lindol na tumama sa Japan.














