Iniulat ng OCTA Research Group na tumaas ng 21% ang naitalang weekly positivity rate ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga pasyenteng isinailalim sa pagsusuri.
Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David, nabatid na ang naturang pagtaas sa COVID-19 positivity rate ay naitala noong Disyembre 17 lamang at 7.6 puntos na mas mataas kumpara sa 13.4% lamang na naitala noong Disyembre 10.
Ayon kay David, ito pa lamang ang ikalimang pagkakataon na ang positivity rate sa NCR ay lumampas sa 20% mark simula 2020.
Aniya pa, karamihan sa mga pasyente ay nakitaan lamang ng mga mild na sintomas ng karamdaman ngunti tumaas pa rin ang hospital occupancy sa rehiyon.
“Covid-19 7-day positivity rate in NCR increased to 21% as of Dec 17 2023, from 13.4% on Dec 10. This is only the 5th time since 2020 that the positivity rate exceeded 20%. Most cases were mild but hospital occupancy increased,” anunsiyo pa ni David, sa kanyang X account (dating Twitter).
Samantala, iniulat rin ni David na tumaas rin ang nationwide positivity rate ng Pilipinas ng 15.8% hanggang noong Disyembre 18, mula sa dating 11% lamang noong nakaraang linggo.
“December 18 2023 DOH reported 434 new Covid-19 cases, 0 deaths, 286 recoveries 4780 active cases. 15.8% 7-day positivity rate. 183 cases in NCR. Projecting 250-300 new cases on 12.19.23,” aniya pa, sa hiwalay na tweet.