Halos dumoble ang “one-week growth rate” ng COVID-19 hanggang nitong Setyembre 25 na naging 25% mula sa 13% noong Setyembre 18 sa National Capotal Region.
Gayundin,sinabi ng OCTA Research Group na patuloy ang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa NCR matapos na makapagtala ng 1,600 bagong kaso nitong Linggo.
Ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David, ito ay mas mataas sa peak na 1,502 kaso noong Agosto 7.
Nalaman na maging ang ‘reproduction number’ ay tumaas rin sa 1.30 nitong Setyembre 22 mula sa 1.21 noong Setyembre 15.
Umakyat rin ang ‘7-day positivity rate’ sa 18.5% nitong Setyembre 24 mula sa 15.7% noong Setyembre 17.
Gayunmam, nananatili na nasa ‘low level’ ang healthcare utilization sa rehiyon na nangangahulugan na karamihan sa dinadapuan ng virus ay ‘asymptomatic’ o ‘mild’ lamang ang mga sintomas.
Samantala, inaasahan ng OCTA na patuloy ang pagtaas ng mga kaso.
Hindi naman binanggit ni David na ito ay dahil sa pagluluwag ng panuntunan sa paggamit ng facemask sa labas ng bahay. (Philip Reyes)














