Nakikitaan umano ang National Capital Region (NCR) ng ‘slow uptick’ o bahagyang pagtaas ng mga naitatalang bagong COVID-19 cases, habang bahagya ring tumaas ang reproduction number at positivity rate ng sakit sa rehiyon.
Sa datos ng independent monitoring group na OCTA Research na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Linggo, nabatid na ang reproduction number sa NCR ay tumaas sa 1.11 noong Setyembre 7, mula sa 0.93 lamang lamang noong Agosto 31.
Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilis ng hawahan ng virus. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng hawahan nito.
“The reproduction number has increased to greater than 1, which means infections are increasing,” ayon kay David.
Samantala, ang 7-day COVID-19 positivity rate sa rehiyon ay tumaas sa 13.3% noong Setyembre 9, mula sa dating 12.1% lamang noong Setyembre 2.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa bilang ng mga taong nagpositibo sa sakit, mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.
Nabatid na ang one-week growth rate sa rehiyon, na naitala mula Setyembre 3 hanggang 10, ay nasa 6% o malaking pagtaas mula sa -17% lamang na naitala mula Agosto 27 hanggang Setyembre 3.
Ani David, bahagya rin namang tumaas ang average daily attack rate (ADAR) sa rehiyon ngunit itinuturing pa rin itong mababa o nasa “low” sa 5.58 kada 100,000 populasyon.
Ang ADAR ay tumutukoy sa incidence na nagpapakita ng average number ng mga bagong kaso sa isang panahon, kada 100,000 katao.
Nabatid na kapwa naman nasa low ang COVID-19 hospital bed occupancy sa rehiyon, na nasa 34.5% at intensive care unit occupancies na nasa 28.9% naman.
Kaugnay nito, pinaalalahanan rin ni David ang vulnerable sector, partikular na ang mga senior citizens at mga taong may comorbidities, na maging maingat laban sa virus.
“NCR is having a slow uptick in Covid cases. This is not unexpected given the increased mobility of the population. The vulnerable sector (elderly and those with co-morbidities) are advised to take extra necessary precaution,” aniya pa. (Philip Reyes)














