Latest News

OCTA: NCR, malapit nang maging ‘very low risk’ sa COVID-19

MALAPIT na umanong maging ‘very low risk’ sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR).

Ito ay batay sa datos ng OCTA Research Group na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Lunes.

Ayon sa OCTA, nagpapatuloy ang pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng sakit sa rehiyon ngunit bahagya anila itong bumagal.


Nabatid na mula sa dating -23% na growth rate noong Marso 7-13, nasa -4% na lamang ito mula Marso 14-20.

“NCR rate of decrease has slowed to just -4% as of March 20, 2022,” ani David.

Samantala, iniulat rin ng OCTA na bahagya ring tumaas ang reproduction number sa rehiyon na mula 0.26 noong Marso 7-13 ay naging 0.38 na ngayon, bagamat ito’y nasa very low risk pa rin naman.

Ang 7-day average new cases naman ay nasa 170 noong Marso 7-13 at bahagyang bumaba sa 163 noong Marso 14-20.


Ang one-week average daily attack rate (ADAR) naman ay nasa low risk, na mula 1.20 noong Marso 7-13 ay naging 1.15 na lamang mula Marso 14-20.

Ang positivity rate sa rehiyon ay very low risk pa rin naman, na mula 2.8% ay naging 2.5% na lamang.

Wala namang datos na nakalap hinggil sa healthcare utilization rate at ICU occupancy sa NCR ngunit inaasahan ng OCTA na nasa very low risk levels ang mga ito.

Sa kabuuan, sinabi ng OCTA na ang NCR ay nananatili pa rin sa low risk sa COVID-19 ngunit malapit na anila itong maging very low risk.


“Overall, the NCR remained LOW RISK but is very close to Very Low Risk,” ayon pa sa OCTA. (Carl Angelo)

Tags:

You May Also Like

Most Read