Iniulat ng isang opisyal ng independent monitoring group na OCTA Research nitong Martes na bahagyang tumaas sa 1.05 ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR).
Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring maihawa ng isang pasyente ng virus. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang mabagal na hawahan ng sakit.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni David na ang NCR ay nananatiling nasa low risk sa COVID-19.
Tiniyak rin ni David na hindi ito nangangahulugan na magkakaroong muli ng surge ng sakit sa capital region.
“The NCR reproduction number increased to 1.05 as of May 20, 2022. A reproduction number above 1 does not necessarily mean cases will surge,” ani David.
Gayunman, ang dalawang huling beses aniya na tumaas ang reproduction number sa mahigit 1 ay noong Disyembre 24, 2021 at Hulyo 15, 2021, na simula nang Omicron at Delta surges.
Samantala, iniulat rin naman ni David na ang ADAR o average daily attack rate sa rehiyon ay nananatiling very low sa 0.52 hanggang noong Mayo 23.
Ang daily positive rate naman ay 1.2% mula sa average na 11,319 na tests kada araw habang ang hospital care utilization naman sa COVID-19 ay nasa 21%.
“Overall, NCR remained at LOW risk. Over the next few weeks, the best case scenario is status quo, while the worst case scenario, based on currently available data, is a weak surge in COVID-19 cases,” dagdag pa ni David.
Una nang sinabi ni David kamakailan na nagkaroon ng bahagyang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at iba pang lugar.
Dulot aniya ito ng mas nakahahawang Omicron subvariants at hindi ng mga aktibidad sa katatapos na May 9 elections sa bansa. (Philip Reyes)














