Bumulusok pa sa 2.7% na lamang ang 7-day positivity rate ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Sa datos na ibinahagi ni Dr. Guido David, ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Lunes ng gabi, nabatid na mula sa 3.3% noong Hulyo 22, 2023, ay nasa 2.7% na lamang ang COVID-19 positivity rate ng NCR hanggang noong Hulyo 29, 2023.
Anang OCTA, bukod sa NCR, nakapagtala na rin ng low positivity rates sa nasabing petsa ang mga lalawigan ng Bulacan na nasa 3.2%; Cavite na nasa 3.8%; La Union na nasa 3.2%; Pampanga na nasa 5.4%; Quezon na nasa 2.4% at Rizal na nasa 2.1% na lamang.
Naobserbahan naman umano ang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit sa Batangas na mula sa dating 3.5% na lamang noong Hulyo 22, ay nakapagtala ng 5.4% positivity rate noong Hulyo 29; gayundin sa Isabela, na mula sa 11.2% ay naging 14.7%; Tarlac na mula sa 10.0% ay naging 12.0%; at Zambales na mula sa 5.8% ay naging 7.0% naman.
“NCR 7-day testing positivity rate decreased from 3.3% to 2.7% as of July 29 2023. Low positivity rates in Bulacan, Cavite, La Union, Pampanga, Quezon and Rizal. Upticks observed in Batangas, Isabela, Tarlac, Zambales,” tweet ni David.
Samantala, nakakapagtala na rin nang pagbaba ng positivity rates ang mga lalawigan ng Bataan, Benguet, Cagayan, Camarines Sur, Laguna, Oriental Mindoro, Palawan, at Pangasinan.
Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga pasyenteng isinailalim sa pagsusuri.
Nagtatakda ang World Health Organization (WHO) ng 5% na threshold para sa positivity rate ng COVID-19.